Papalo sa mahigit ₱200 bilyon ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa flood control at mitigation para sa susunod na taon.
Sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program na isinumite ng DBM sa Kamara, pinaglaanan ng ₱254.3 bilyon ang Flood Management Program ng DPWH.
Gagamitin ito sa konstruksyon, maintenance at rehabilitasyon ng 1,903 flood mitigation structures at drainage system ng bansa pati na ang 835 na flood mitigation facilities sa lahat ng major river basins.
Ang MMDA ay mayroon ding P2.2 bilyon para sa operasyon at maintenance ng flood control structures sa pangunahing waterways o daluyan ng tubig sa Metro Manila.
Una nang sinabi ni Speaker Martin Romualdez na isasama sa panukalang P6.3 trillion 2025 national budget ang pondo para sa flood control infrastructure upang matugunan ang mga kasalukuyang pangangailangan.
Nanawagan din ang House Speaker na maglatag ng modernong flood management masterplan sa Metro Manila matapos ang naranasang malawakang baha sa pananalasa ng Bagyong Carina at habagat.
Aniya, dapat isama na dito ang relokasyon ng mga nakatira sa mga mabababang lugar at mga lugar na madalas bahain. | ulat ni Kathleen Jean Forbes