Pinapasara na ng Philippine amusement and gaming corporation (PAGCOR) na ma-shutdown ang nasa 7,700 na mga iligal na online gaming websites.
Sa naging pagdinig ng Senado, sinabi ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na mula nang maupo siya sa tanggapan ay nai-report na nila ang nasa 7,747 na illegal operators ng mga online games sa mga awtoridad.
Dinagdag naman ni PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, mula pa noong September 2022 ay mino-monitor na nila ang lahat ng illegal sites.
hindi lang ito limitado sa mga illegal na online games kundi kasama rin ang mga e-sabong, Facebook ads, mobile applications, offshore sites at mga spam messages na nag-a-advertise ng illegal games.
Sa higit pitong libong illegal gambling sites na ito, nasa 5,793 o 74.78 percent na ang napa-block ng PAGCOR habang nasa 1,954 na illegal online gaming websites pa ang aktibo.
Kabilang aniya sa mga paraan na ginagamit nila para masawata ang mga iligal na e-games ay ang pag-block sa website o sa URL (uniform resource locators) at payment blocking.
Sa ngayon ay may ugnayan na aniya ang PAGCOR sa mga mobile payment app gaya ng Gcash at Maya para sa payment blocking samantalang nakikipag uganayan na rin ang ahensya sa Google at apple para maalis sa kanilang play store ang mga mobile application ng mga iligal na online gaming na ito.| ulat ni Nimfa Asuncion