Pormal nang naisumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang ₱6.352 trillion National Expenditure Program sa Kamara.
Personal itong iniabot ni DBM Sec. Amenah Pangandaman at iba pang opisyal ng kagawran sa liderato ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.
Ang panukalang budget para sa susunod na taon ay 10.1% na mas mataas sa kasalukuyang ₱5.768 trillion budget.
Muling nanguna ang edukasyon sa mga sektor na may pinakamataas na pondo na may kabuuang ₱977.6 billion na alokasyon para sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), state universities and colleges (SUCs) at Technical Education And Skills Development Authority (TESDA)
Nasa ₱900 billion naman ang para sa public works; ₱297.6 billion ang para sa kalusugan kasama ang ₱74.4 billion na subsidiya ng PhilHealth; Defense na may ₱256.1 billion; Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may alokasyon na ₱248.1 billion.
Ang pondo para sa Department of Agriculture (DA) at attached agencies nito kasama ang Department of Agrarian Reform (DAR) ay nasa ₱211.3 billion; tumaas naman ang pondo ng transportasyon sa P180.9 billion gayundin ang sa Judiciary na may ₱63.6 billion at ₱40.6 billion para sa Department of Justice (DOJ).
Pasok din sa panukalang pambansang pondo ang 2nd quarter ₱1.8 billion para sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program; 4Ps na pinaglaanan ng ₱114.2 billion; ₱31.4 billion para sa National Rice Program pati ang ₱70 billion para sa implementasyon ng Salary Standardization Law VI at ₱9.6 billion para sa health maintenance organization (HMO) ng mga kawani ng gobyerno. | ulat ni Kathleen Forbes