Welcome para kay House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga ang anunsyo ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagpapalakas sa produksyon ng bigas.
Ayon kay Enverga, malaking bagay na hindi ikinaila ng Pangulo ang problema sa inflatiom lalo na pagdating sa presyo ng bigas.
Dito ipinakita aniya ng Pangulo na batid niya ang iniindang hamon ng mga Pilipino.
“Natutuwa ako dahil head on, in-address ng ating mahal na Pangulo yung isyu sa food inflation. Malinaw po yung una niyang sinabi na ang problemang kinahaharap natin dito sa presyo ng bigas. Ako po ang tunay na kagalakan ko po dito ay malinaw po na sinabi ng ating mahal na Pangulo na ang prayoridad pa rin natin ay palakasin ang ating lokal na produksyon,” sabi ni Enverga.
Maganda rin aniya na nilinaw ng Pangulo na ang pagtapyas sa taripa ng imported na bigas ay pansamantala lamang.
Binigyang-importansya rin aniya ng Pangulo sa kaniyang katatapos lang na SONA ang kahalagahan ng patuloy na paglalaan ng sapat na budget sa sektor ng agrikultura.
Nangako naman ang mambabatas na susuportahan ng Kamara ang paglalaan ng mas malaking budget para sa agriculture sector. | ulat ni Kathleen Jean Forbes