Ikinalugod ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles ang desisyon ng NCR wage board na magpatupad ng P35 wage increase sa Metro Manila.
Aniya, napapanahon ang wage hike na ito dahil makapag bibigay ito ng kinakailangang ginahawa para sa mga manggagawa sa NCR.
Pero hindi aniya dito titigil ang laban para sa kapakanan ng manggagawa.
Tuloy-tuloy pa rin aniya ang pagdinig ng komite sa mga panukala para sa across the board wage increase na nagkakahalaga ng P150 hanggang P350.
“Patuloy po natin paguusapan sa Kongreso ang panukalang wage increase. Ang nais natin ay makapaghanap ng magandang compromise na tutugon sa pangangailangan ng ating mga manggagawa, na hindi naman ikalulugi ng mga nagbibigay ng trabaho,” sabi ni Nograles
Maliban dito mahalaga din aniya ang iba pang mga hakbang para mapababa ang gastos ng mga manggagawa gaya na lang sa agrikultura, pagkain, transportasyon, edukasyon at kalusugan.
“Ang target ng pamahalaan, ay mapapababa natin ang kailangang gastusin ng manggagawa para makapamuhay nang marangal at masustentuhan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. At naniniwala ako na kumikilos ang administrasyon para mapatotoo ito,” dagdag ni Nograles. | ulat ni Kathleen Forbes