Iba’t ibang aktibidad ang inihanda ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa pagdiriwang ng ika-451 anibersaryo ng lungsod bukas.
Ayon sa Pasig LGU, magsisimula ang pagdiriwang sa isang makulay na parada na magsisimula sa Sta. Clara de Montefalco ng alas-6:30 ng umaga patungong Pasig City Hall Quadrangle.
Ang Pasig City Civic Parade ay lalahukan ng iba’t ibang sektor ng lipunan, mula sa mga opisyal ng pamahalaang lungsod, mga kinatawan ng barangay, mga paaralan, pribadong organisasyon, at marami pang iba.
Para sa mga motorista, maaaring tingnan ang traffic advisory kaugnay ng Civic Parade sa Facebook page ng Pasig City PIO.
Samantala, bilang pakikiisa ng ilang stall owners/vendors, magkakaroon ng discounts at freebies sa Mutya ng Pasig Mega Market simula 05:00AM hanggang 08:00PM.
Magkakaroon din ng Misa ng Pasasalamat ng 03:00PM, sa Immaculate Conception Cathedral of Pasig.
At matatapos ang Araw ng Pasig 2024 sa pamamagitan ng Gabi ng Pasasalamat concert.| ulat ni Diane Lear