Patuloy ang pagbibigay ng iba’t ibang tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Carina.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ay mainit na pagkain, hygiene kits, tubig, at pagtatayo ng child-friendly spaces.
Sa pinakahuling ulat ng PRC Operations Center, umabot na sa mahigit 4,000 na indibidwal ang nabigyan ng mainit na pagkain, mahigit 1,000 bata ang nakinabang sa child-friendly spaces, mahigit 2,000 indibidwal ang nakatanggap ng hygiene kits, at 30,000 litro ng malinis na tubig ang naipamahagi.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, nagpadala ang PRC ng mga volunteer sa buong bansa at pati na rin ang food trucks, water tankers, multi-purpose response trucks, ambulansiya, Volunteer Emergency Response Vehicle (VERV), at relief trucks.
Pinapayuhan ng PRC ang publiko na maging alerto at tumawag sa Red Cross Hotline 143 kung mayroong emergency o sakuna.
Samantala, sa lagay naman ng lebel ng tubig sa Marikina River bahagyang bumaba ito sa 14.1 meters as of 4PM at nananatili pa rin ito sa normal level sa mga oras na ito.
Pero patuloy pa rin nararanasan ang mga pag-ulan at malakas na hangin dito sa Lungsod ng Marikina.| ulat ni Diane Lear