Nagsampa ngayon ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang United Filipino Seafarers laban sa ilang dati at kasalukuyang opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) dahil sa umano’y pag-extend nito ng Special Permits para sa mga banyagang dredger, na karamihan ay Chinese dredgers.
Kabilang sa inireklamo sina kasalukuyang MARINA Administrator Sonia B. Malaluan; dating admin Hernani Fabia, Atty. Jabeth Dacanay, dating Chief of Staff ng Office of the Administrator, Atty. Marc Pascua, NCR-MARINA Director at Atty. Rowena Hubilla, Director ng MARINA-Domestic Shipping Office.
Sinampahan ang mga ito ng reklamong grave misconduct, grave abuse of authority, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Republic Act No. 7080 (Plunder Law).
Sa panayam sa media, sinabi ni Engr. Nelson Ramirez, Chairman Emeritus ng UFS na nilabag ng mga respondent ang mga regulasyon nang paboran ang mga banyagang kumpanya kaysa sa mga lokal na stakeholder ng maritime.
Nabigo rin umano ang MARINA na kolektahin ang mga multa at maling klasipikasyon ng mga dredger, na nagdulot ng pagkalugi sa gobyerno.
Binigyang-diin din sa reklamo ng UFS ang nakakabahalang isyu ng mga may-ari at operator ng Chinese dredger sa gitna ng umiral na tensyon sa West Philippine Sea.
Panawagan ng grupo ang agarang preventive suspension ng mga respondent na kasalukuyang nasa gobyerno pa rin.
Bukod dito, hinihiling nito ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa lahat ng respondent para sa paglabag sa RA 3019 at RA 7080 (Plunder Law). | ulat ni Merry Ann Bastasa