Nakangingiti na ngayon ang ilang jeepney driver matapos ang ipinatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Marikina City, bagaman aminadong “bitin,” sinabi ng ilang jeepney driver na mabuti na ito kaysa sa wala.
Ayon pa sa mga jeepney driver, kahit paano’y madaragdagan ang kanilang kita lalo’t malapit na ang pasukan at namomroblema sila sa mga bayarin gaya ng school supplies at pampabaon ng kanilang mga anak.
Kaya naman, umaasa sila na sana masundan pa ang rollback para kahit papaano ay makahinga ng maluwag.
Nabatid na apat na linggong sunod-sunod na nagkaroon ng dagdag-presyo sa produktong petrolyo, at ngayong araw ay nagkaroon na rin ng rollback.
Base sa abiso, ₱0.90 ang bawas-presyo sa kada litro ng diesel, ₱0.60 centavos sa kada litro ng gasolina, habang ₱0.15 centavos naman sa kada litro ng kerosene. | ulat ni Jaymark Dagala