Napapailing na naman ang ilang tricycle driver sa Quezon City dahil tatamaan na naman sila ng panibagong taas-presyo sa gasolina ngayong araw.
Epektibo kaninang alas-6 ng umaga, mayroon na namang dagdag na ₱1.60 sa kada litro ng gasolina na siyang pinapakarga ng mga tricycle driver.
Dito sa bahagi ng PHILCOA, hindi pa nagpapakarga ngayong umaga ang mga nakapila dito sa BOCS TODA dahil kailangan muna daw kumayod para may pangkarga.
Malaking bawas na naman daw ito sa kanilang kita sa pang-araw-araw.
Matumal pa naman aniya ang biyahe ngayon dahil bukod sa walang pasok ang mga estudyante, nakakaapekto rin sa pasada nila ang maulang panahon.
Ayon sa mga trike driver, idadaan nalang ulit nila sa pagtitiyaga para lang may maiuwi sa pamilya kahit pambili ng bigas.
Umaasa naman ang mga itong hindi na masundan pa sa susunod na linggo ang oil price hike.
Ikinababahala rin ng ilang trike driver sa QC ang operasyon ngayon ng LTO na ‘no plate, no travel’ policy sa mga tricycle sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa