Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang illegal recruiter na nagpapanggap na empleyado ng kagawaran.
Kinilala ang suspek na si Susan Velasquez na naaresto matapos magkasa ng operasyon ang DMW Migrant Workers Protection Bureau at CIDG sa Cubao, Quezon City.
Nabatid na nag-o-operate si Velasquez sa kaniyang tanggapan sa Rodriguez sa Rizal na nag-aalok ng trabahong fruit picker sa Canada na may suweldo umanong naglalaro sa ₱150,000 hanggang ₱160,000.
Para umano mapabilis ang proseso, humihingi si Velasquez ng mahigit ₱200,000 sa kaniyang mga nabiktima bilang placement fee.
Kuwento ng mga biktima, Marso ng taong ito nang makasalamuha nila ang suspek kung saan, nagpapakita pa ito ng ID na kalauna’y nabuking na peke.
Dahil sa mabulaklak na pananalita ay nakumbinsi ang mga biktima na magbayad ng ₱20,000 subalit tumagal na ng ilang buwan ay wala pa ring dumarating na papeles.
Doon na nagduda ang mga biktima kaya dumulog sila kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac na siya namang personal na humarap sa kanila at nangakong aalalay sa kanila.
Kasunod nito, nanawagan naman si Cacdac sa iba pang mga nabiktima na lumabas na at maghain ng reklamo laban kay Velasquez. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: DMW