Personal na lumiham si Iloilo City Representative Julienne Baronda kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla para maimbestigahan ang tila pagdami ng Chinese nationals sa kanilang lungsod.
Sa liham na may petsang July 4, tinukoy ni Baronda ang ulat ng pagdami ng Chinese nationals na tumitira sa mga upscale subdivision sa Iloilo City, gaya ng Puerto Real de Iloilo at Ledesco Subdivision sa Lapaz at Monterosa Subdivision sa Mandurriao.
Bagamat wala namang panggugulo na ginagawa, napansin ng mga residente na pawang Chinese mainlanders ang mga ito na hindi marunong mag-Ingles.
Ang mga bahay rin na kanila anilang nabili ay nagkakahalaga ng P30 million hanggang P50 million maliban pa sa pagkakaroon ng mga magagarang SUV.
Sabi ni Baronda, nais lamang nila ma-validate kung ang naturang mga Chinese ay sangkot sa iligal na gawain o hindi, at kung sila ba ay “sleeper agents”.
Tinukoy pa nito, na noon lang Nobyembre 2023 17 Chinese nationals ang nahuli sa Jaro, Iloilo City dahil sa cybersex at human trafficking.
“Given these, I would like to respectfully request that your good office investigate this matter through the National Bureau of Investigation and Bureau of Immigration in earnest. We want to ensure that our people are safe and that our national security is protected.” sabi ni Baronda | ulat ni Kathleen Forbes