Isasama na ng Senate panel sa pagdinig tungkol sa operasyon ng mga POGO sa bansa ang impormasyon mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na may isang dating miyembro ng gabinete ang nagla-lobby para makakuha ng lisensya ang mga ilegal na POGO.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian, bagong anggulo itong isiniwalat ng PAGCOR.
Giit ni Gatchalian, patunay na itong mayroon talagang maimpluwensyang tao na may kaugnayan sa POGO.
Nais aniya ng senador na maimbestigahan ang usaping ito para makita ang lawak ng koneksyon ng mga POGO.
Bagama’t nagkaroon ng sariling imbestigasyon si Gatchalian kung sino ang sinasabing ex-cabinet member na ito, nais ng senador na si PAGCOR chairman and CEO Alejandro Tengco na mismo ang magpangalan nito para sigurado at hindi lalabas na haka-haka lang ang impormasyon.
Sa kabilang banda, hindi rin inaalis ng mambabatas ang posibilidad na inililihis lang ng PAGCOR ang atensyon mula sa kanilang pananagutan sa operasyon ng mga ilegal na POGO.
Iginiit ni Gatchalian na hindi pa rin mawawala ang accountability ng PAGCOR sa usapin bilang sila ang nag-aapruba at nangangasiwa dapat ng mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion