Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Bacolod City Police Office at Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration ang Indian National na may patong-patong na kaso sa Santa Lucia Gardens Subdivision, Barangay Taculing, Bacolod City.
Ang foreign national ay kinilalang si Joginder Geong, 40 taong gulang at pansamantalang nakatira sa nasabing lugar.
Ayon kay Bacolod City Police Office Director P/Col. Noel Aliño, convicted ang foreign national sa kanyang bansa kung saan may mga kaso itong murder, attempted murder, extortion at robbery.
Sa monitoring ng BCPO, lider ng isang sindikato ang suspek sa kanyang bansa.
Sa patong-patong na kaso nagtago ang foreign national sa bansa gamit ang pangalang Kant Gupta base sa kanyang pekeng Nepalese Passport.
Sa pagkaaresto ni Gupta mahaharap rin ito sa kasong paglabag sa Philippine Immigration Law, Commonwealth Act No. 613 dahil sa pagiging undesirable alien at wanted person sa kanyang bansa.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration ang foreign national habang pinoproseso ang pagpapadeport sa kanya.| ulat ni Paul Tarrosa| RP1 Iloilo