Kinumpirma ni Senate Spokesperson Atty. Arnel Bañas ang pagkasawi ng isang indibidwal na nahulog mula sa ginagawang bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Base sa ulat mula sa security team ng Senado at ng Southern Police District (SPD), pumasok ang naturang indibidwal sa construction site ng new senate building pasado alas-9 kagabi, July 25, 2024.
Sa impormasyon, hinabol ang biktima ng isa nitong kasama at ng mga guwardiya pero hindi agad nakita.
Bandang alas-10 ng gabi na ng mahulog ang biktima mula sa north tower ng ginagawang new senate building, at natagpuan na itong walang buhay.
Sa ngayon ay hindi pa isinasapubliko ang pagkakakilanlan ng biktima dahil hindi pa napapabatid sa mga kamag anak nito ang nangyari.
Naipaalam na kay Senate President Chiz Escudero ang pangyayari at iniutos na nito ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Ipinag-utos na ring higpitan ang seguridad sa lugar, lalo na ang papasok at palabas sa construction site.
Tiniyak ni Bañas na sineseryoso ng ataas na kapKulungan ang insidenteng ito.
Suportado aniya nila ang imbestigasyon sa pangyayari para malaman ang katotohanan sa likod ng malagim na insidente. | ulat ni Nimfa Asuncion