Emosyonal ang opisyal ng Philippine Navy na si Lt. Jessa Mendoza nang humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Women ngayong araw tungkol sa operasyon ng mga POGO sa bansa.
Ayon kay Mendoza, biktima siya ng identity theft at ginamit ang kanyang pangalan, pirma at TIN number sa pagpapatayo ng 193 na mga korporasyon na karamihan ay tunog dayuhan.
Giit ni Mendoza, wala sa anumang sa mga ito ang may kaugnayan siya.
Sa salaysay ng navy official, nalaman niya ang sitwasyon niyang ito nang makatanggap na siya ng subpoena dahil ang kanyang pangalan ay nakalista bilang isa sa mga opisyal ng mga korporasyon na hinahabol na ng BIR at ng DOJ.
Binahagi pa ni Mendoza na sa isang kaso ay kinakailangan pa niyang magbayad ng piyansang nagkakahalaga ng P108,000 dahil sa hindi umano pagre-remit ng SSS contribution sa kumpanyang Serant Construction Corp.
Kinakasama pa ng loob ni Mendoza na sa kabila ng pagseserbisyo niya para sa bayan sa pamamagitan ng pagpapatrolya sa West Philippine Sea ay ganito pa ang kakaharapin niya pagdating sa kalupaan ng ating bansa.
Nang matanong kung paano kayang nakuha ng mga kumpanyang ito ang kanyang pirma, sinabi ni Lt. Mendoza na ang naaalala lang niya ay hiniram ng kanyang pinsan na may asawang Chinese national ang kanyang TIN ID noong 2016.
Nalaman aniya niyang ginamit ng kanyang pinsan ang kanyang ID sa pagpapatayo ng isang kumpanya na hindi naman naging operational.
Sa ngayon ay naghain na si Lt. Mendoza ng petition for revocation laban sa mga korporasyon na ginamit ang kanyang pangalan ng bilang bahagi ng kanilang board o incorporators.| ulat ni Nimfa Asuncion