Tinangkilik pa rin ng mga San Juaneño ang Kadiwa ng Pangulo sa Atrium ng San Juan City Hall sa kabila ng kawalan ng murang bigas na ibinebenta rito.
Gayunman, may special rice pa ring nabibili rito gaya ng Brown Rice na nasa ₱65 ang kada kilo at ang Red Rice na nasa ₱75 ang kada kilo na pasok para sa mga nagdi-diyeta.
Meron namang ibinebentang locally produced rice na nasa ₱36 ang kada kilo pero hindi maganda ang kalidad at inirerekomenda na lamang para sa mga alaga.
Samantala, may nabibili rin ditong murang gulay gaya ng sibuyas na nasa ₱90 kada kilo sa pula, habang ₱80 ang kada kilo naman sa puti. Bawang na nasa ₱130 ang kada kilo, luya na nasa ₱150 ang kada kilo.
Ang kamatis ay nasa ₱150 ang kada kilo na mas mura kaysa sa palengke, okra ay nasa ₱70 ang kada kilo, talong ay nasa ₱90 ang kada kilo.
Ang upo ay nasa ₱45 kada piraso, ampalaya ay nasa ₱55 kada kilo, patola ay nasa ₱70, sitaw na nasa ₱30 kada tali, at ang talbos ng kamote ay nasa ₱15 kada tali.
May mabibili rin ditong itlog na nasa ₱200 ang kada tray sa small size o ₱7 kada piraso, habang ₱240 naman sa kada tray ng large o ₱8 kada piraso.
Maliban sa murang gulay, may iba’t iba ring produktong mabibili rito gaya ng mga processed foods, dried goods, tinapay, at iba pa.
Ang Kadiwa ng Pangulo sa San Juan City Hall ay bukas mula alas-7 kanina at tatagal hanggang alas-4 mamayang hapon o hanggang sa maubos ang paninda. | ulat ni Jaymark Dagala