Pinagbigyan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 90 ang hirit na karagdagang 30-araw ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para makapagsagawa ng forensic examination.
Ito’y may kaugnayan sa mga kagamitang nakumpiska nila sa isang Chinese national na naaresto sa Makati City noong Mayo at hinihinalang isang espiya ng Tsina.
Batay sa desisyong inilabas ng QC RTC Branch 90 sa pangunguna ni Presiding Judge Maria Zoraida Zabat Tuazon, binibigyan nito ang CIDG ng hanggang July 31 ng taong kasalukuyan para tapusin ang kanilang ulat.
Una rito, naghain ng Motion for Extension of Time to Submit Computer Data ng CIDG sa Korte na palawigin ang Warrant to Examine Computer Data.
Katuwiran ng CIDG, masyadong marami ang kagamitan ng naarestong Chinese national kaya’t hindi sapat ang naunang ibinigay na 10-araw ng Korte para rito.
Kabilang sa mga sinusuri ng CIDG ay ang military grade drone, antenna system, radio receiver/transmitter, router, celphone, pati na ang tablet at laptop ng naturang dayuhan. | ulat ni Jaymark Dagala