Nakahanda ang Kamara na tumulong sa administrasyong Marcos para lalo pang mapababa ang inflation rate.
Ito ang tinuran ni Speaker Martin Romualdez matapos maitala ang pagbagal ng inflation sa 3.7% nitong Hunyo kumpara sa 3.9% noong Mayo.
Aniya, tiyak na mas mapapahupa ang inflation kung mapapababa ang presyo ng kuryente at bigas.
Kaya naman tinitingnan nila ang amyenda sa EPIRA.
“We will work to further reduce electricity rates and rice prices. Accomplishing that will surely lead to a further moderation of inflation. Titingnan natin ang posibleng amendments sa EPIRA para maibaba natin yung presyo ng kuryente, para abot kaya ng lahat ‘yung sa tamang presyo,” sabi niya.
Target ng kapulungan na maaprubahan ang panukalang amyenda sa EPIRA, na isa sa LEDAC priority measures bago ang Christmas break.
“So medyo kumplikado yan kasi malaki itong batas at we will handle it by sections pero kayang kaya natin tapusin ‘yan before siguro the Christmas break,” ani Romualdez.
Magsasagawa rin aniya ng inquiry hinggil sa energy situation sa bansa.
Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na presyong kuryente sa ASEAN region.
“We want to know what is the problem with the law, why the the law that was supposed to streamline the energy sector has unfortunately brought up electricity rates. We will call all stakeholders – power producers and distributors, the transmission company, and most importantly the consumers represented by consumer groups,” wika ng House leader. | ulat ni Kathleen Forbes