Inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na nakahanda na ang ahensya na magbigay ng karagdagang family food packs (FFPs) sa mga local government unit (LGUs) na labis na naapektuhan ng Bagyong Carina at habagat.
Ayon kay Secretary Gatchalian, mayroon nang 360,228 FFPs ang naipamahagi sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.
Nakaantabay na rin ang karagdagang 500,000 FFPs para sa mga LGU na mangangailangan.
Tiniyak din ng DSWD ang patuloy na koordinasyon sa local executives upang matiyak na maibibigay ang mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya, lalo na ang mga nasa evacuation centers.
Samantala, patuloy din ang pagbibigay ng DSWD ng suporta sa mga lugar sa Visayas at Mindanao na apektado ng pagbaha dulot ng Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ) at habagat.
Sa ngayon, mayroon nang mahigit 100,000 pamilya o halos 400,000 indibidwal ang apektado ng sama ng panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. | ulat ni Diane Lear