Kasunod ng anunsyo ng ₱10-milyong pabuya sa ulo ni Pastor Apollo Quiboloy at tig-iisang milyong piso sa limang iba pa, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) ng kasong obstruction of justice laban sa nagtatago kay Quiboloy na itinuturing na pugante.
Ayon kay PNP Chief General Romel Francisco Marbil, ang mga nagtatago ng mga wanted sa batas ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1829 o Obstruction of Justice.
Dagdag pa ni Marbil, tinitignan at pinag-aaralan na rin nila ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kinaroroonan ni Quiboloy at naghihintay sila ng mga testigo.
Aniya, magsasampa ng kaso ang Pulisya kung mayroon itong nalabag na batas.
Sa ngayon, patuloy ang pagtugis ng PNP kay Quiboloy at sa iba pang mga akusado. | ulat ni Diane Lear