Sisimulan na ang pagtatayo ng housing project sa Victoria, Tarlac sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pagkatapos lagdaan ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Department of Human Settlements and Urban Development at Victoria Local Government Unit, agad nang isinunod ang groundbreaking ceremony para sa proyekto na tinawag na “Plethora de Victoria Residences”.
Binati naman ni Secretary Acuzar ang Victoria LGU sa pagiging kauna-unahang bayan sa lalawigan ng Tarlac na nagbukas para sa shelter project sa ilalim ng 4PH.
Nangako pa ito na bubuo hindi lamang ng mga housing unit para sa mga taga-Tarlac kundi ang sustainable township sa ilalim ng banner ng Bagong Pilipinas.
Sa panig ng Victoria Tarlac LGU, nagpasalamat si Mayor Rex Villa Agustin sa DHSUD at tiniyak ang buong suporta sa housing flagship program ni Pangulong Marcos Jr.
Malaking tulong aniya ang proyekto sa layunin ng bayan tungo sa pag-unlad. | ulat ni Rey Ferrer