Wala pang pasok sa mga paaralan sa buong lungsod ng Valenzuela at Malabon ngayong Lunes dahil sa epekto ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina.
Ayon kay Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, sa August 5 pa opisyal na sisimulan ang klase sa lungsod alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Education (DepEd) Valenzuela para bigyang-daan ang paglilinis sa mga eskwelahan kung saan ang ilan ay kasalukuyang ginagamit bilang evacuation center.
Idineklara rin ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval na sa August 5 na magsisimula ang klase sa nasa 41 na pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa lungsod bunsod ng matinding pinsalang dulot ng bagyong Carina at ng pagkasira ng Navigational Gate.
Sa hiwalay namang anunsyo mula sa Navotas Public Information Office, wala rin pasok sa Tanza Elementary School at Tanza High School. Sisimulan ang klase sa mga susunod na araw dahil sa matinding epekto ng pagbaha.
Samantala, tuloy naman ang klase sa Lungsod ng Caloocan ngayong araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa