Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang puganteng Koreano na wanted sa South Korea dahil sa illegal gambling matapos umanong tangkain nitong lumabas ng Pilipinas patungong Vietnam.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang suspek na si Choi Injoon, 47-anyos. Sinasabing nahuli si Choi sa NAIA Terminal 3 nang papasakay sana ito sa isang Cebu Pacific flight papuntang Ho Chi Minh City sa Vietnam.
Sa routine check, natuklasan na si Choi ay kabilang sa listahan ng mga wanted ng Interpol dahil sa pagpapatakbo ng mga ilegal na online gambling sites.
Ang pagkakaaresto kay Choi ay kasunod ng isang warrant na inilabas ng Ulsan district court sa South Korea noong 2023 kung saan inaakuasahn itong kumita sa pamamagitan ng pag-hack at pagmamanipula ng mga internet gambling matches, gayundin ang pagpapatakbo ng isang headquarters sa Cambodia mula noong 2018.
Kinumpirma ni Commissioner Tansingco na si Choi ay ide-deport pabalik sa South Korea at ilalagay sa blacklist ng immigration, kaya’t hindi na ito muling makakapasok sa Pilipinas bilang isang undesirable alien.
Kasalukuyang nakakulong si Choi sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay ang kanyang deportation proceedings. | ulat ni EJ Lazaro