Ikinatuwa ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na naisama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang kwento ng tagumpay ng dalawang dating 4Ps beneficiaries.
Sa ulat ng Pangulo, special mention ang kwento ng mga dating benepisyaryo ng 4Ps, na sina Alexis Alegado, na nag-topnotch sa Engineering Licensure Exam at Khane Jevie Cervantes ng Davao Oriental, na nanguna sa Teaching Licensure Exam.
Personal ding nagtungo sa Batasan Pambansa sina Engr. Alexis at Teacher Khane para saksihan ang SONA ng Pangulo.
Ayon sa kalihim, ito ang maituturing niyang pinakamagandang bahagi ng SONA nang kilalanin ng Pangulo ang pagpupunyagi ng mga benepisyaryo ng 4Ps.
Punto ni Sec. Gatchalian, ang kwento ng mga ito ay patunay na nagbubunga ang hakbang ng pamahalaan na mabasag na ang intergenerational na kahirapan.
Bukod naman sa 4Ps program, ilan pa sa nabanggit ng Pangulo na programa ng DSWD sa kanyang SONA ang Walang Gutom: Food Stamp Program maging ang Project LAWA at BINHI. | ulat ni Merry Ann Bastasa