Batid ng pamahalaan na patuloy pa rin ang banta ng insurhensiya sa mga humahandlang sa pag-unlad ng Samar.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa distribusyon ng Presidential Assistance sa Calbayog City ngayong araw (July 4).
Ayon sa Pangulo, marami pa ang dapat gawin, ngunit malayo na rin ang narating ng pamahalaan sa labang ito.
Nasa limang munisipalidad na aniya ang deklarado na mayroong s’table peace status’.
“Alam nating lahat na patuloy pa ring kinakaharap ng Samar ang hamon ng insurhensiya. Isa ito sa mga balakid sa tuluyang pag-unlad ng inyong lalawigan. Gayunpaman, malayo na po ang narating natin— limang municipality ang deklarado na na may Stable Internal Peace and Security status.” — Pangulong Marcos.
Nagpapatupad na ang gobyerno ng 186 community support program, at tinulungan na ang nasa 63 dating rebelde na sumuko at nagbagong buhay na.
“Ang mga pagsisikap na ito ay ginagawa po natin upang mahikayat pa ang mga ibang rebelde na magbalik-loob na at maging produktibong bahagi ng ating lipunan. Kaya ang hiling ko sa inyo na suportahan ang mga hakbang na ito upang masiguro natin na mag-ugat ang kapayapaan at kaunlaran dito sa Samar.” — Pangulong Marcos.
Sabi ni Pangulong Marcos, ang mga pagsisikap na ito ay ginagawa ng pamahalaan, upang mahikayat pa ang mga rebelde na magbalik loob na at maging produktibong bahagi ng lipunan. | ulat ni Racquel Bayan