Giniit ni Sen. Risa Hontiveros na hindi Cambodian, kundi isang puganteng Chinese ang isang lalaking dayuhan na kasamang naaresto sa isang bahay sa Tuba, Benguet ng pinagsanib na operatiba ng PNP-CIDG, BI at PAOCC.
Ang nasabing bahay ang inamin ni Atty. Harry Roque na pagmamay-ari ng korporasyon na mayroon siyang interes.
Ayon kay Sen. Hontiveros, base sa kanyang Chinese informant ay pekeng Cambodian passport ang iprenesenta ng lalaking dayuhan.
Sa katunayan aniya ay red notice fugitive at very high level fugitive ang lalaking ito at nakapanloko na ng nasa isandaang libong tao.
Matatandaang una nang sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na sa kanilang operasyon nitong weekend ay picture lang ng Cambodian passport ang kanyang prinesenta ng lalaking dayuhan, passport na napag alamang expired na rin noong 2020.
Ang kinasang operasyon na ito ng mga awtoridad ay may kaugnayan sa pagtunton sa mga may kinalaman sa ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac.| ulat ni Nimfa Asuncion