Tina-target ng Department of Agriculture na palakasin at paramihin pa ang Kadiwa stores sa bansa.
Sa Post-SONA discussions kasama ang mga gabinete ng Marcos admin, sinabi ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na plano nilang makapagtayo ng permanenteng Kadiwa stores sa 1,500 sites sa susunod na tatlong taon para masilbihan na ang bawat munisipalidad at siyudad sa bansa.
Plano din ng DA na ipangasiwa sa mga agri-coooperative ang Kadiwa store nang makatulong ito hindi lang sa mga consumer kundi maging sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa paraang ito, tiyak na lalaki aniya ang kita ng mga magsasaka at mangingisda at bababa rin ang presyo ng bilihin.
Dagdag pa ng kalihim, makatutulong ito para maiwasan na ang mga problema ng pananamantala at profiteering sa mga pangunahing bilihin.
Samantala, bukod sa Kadiwa stores, inihahanda na rin ng DA ang bidding para sa Bakuna kontra ASF na posibleng masimulan na ng DA ngayong Agosto.
Ayon kay Sec. Tiu Laurel, uunahin sa pagbabakuna ang mga itinuturing na red zones o mga lugar na may kumpirmadong kaso ng ASF. | ulat ni Merry Ann Bastasa