Magpapatupad na ng liquor ban ang pamahalaang lungsod ng Quezon para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes.
Magkakabisa ang liquor ban, simula alas-12:01 ng madaling araw bukas, Hulyo 22, hanggang alas-6:00 ng gabi.
Sa inilabas na Executive Order #17 ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, binibigyan nito ng kapangyarihan ang Philippine National Police (PNP), Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS), QC Traffic and Transport Management Department, Task Force Disiplina at iba pang tanggapan para ipatupad ang kautusan.
Lahat ng mahuhuling lalabag sa liquor ban ay papatawan ng kaparusahan.
Ayon sa LGU, bahagi ito ng pagtiyak sa kapayapaan at seguridad sa lungsod sa araw ng SONA ng Pangulo.
Nauna nang naghayag ng kahandaan ang LGU sa lahat na ilalatag na aktibidad sa pagdaraos ng SONA sa Batasan Complex. | ulat ni Rey Ferrer