Tuloy ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) katuwang ang Quezon City Traffic and Transport Management Department kaugnay ng ‘No Plate, No Travel’ policy sa mga tricycles sa lungsod
Ngayon araw, pinangunahan ni LTO Law Enforcement Service Dir. Francis Almora ang operasyon kung saan tinutukan ang mga tricycle na pumapasada sa Batasan Tricycle Operators and Drivers Association o BATODA, na isa sa pinakamalaking toda sa lungsod.
Dito, bukod sa mga walang plaka, natiketan din ang mga driver na hindi rehistrado ang kanilang mga tricycle at walang mga bitbit na driver’s license.
Napakamot nalang sa ulo ang ilan sa kanila lalo na ang mga natiketang hindi rehistrado dahil malaki ang multang pinataw sa kanila.
May ilang driver naman na gaya ni Mang Jomer ang ikinatuwa ang hakbang na ito ng LTO para masigurong walang mga colorum na tricycle ang makakalusot.
Bitbit naman ng QC TTMD ang mga natitira pang plaka na ipinamigay sa ilang tricycle driver na ang hawak ay temporary plates. Target nitong makumpleto na ang pamimigay ng lahat ng plaka sa mag tricycle sa lungsod sa loob ng linggong ito.
Patuloy rin ang paalala ng LTO sa mga tricycle driver na tiyaking updated ang kanilang mga plaka at rehistro para iwas perwisyo. | ulat ni Merry Ann Bastas