Nag-isyu na ng Show Cause Order ang Land Transportation Office laban sa registered owners ng e-jeepney at passenger bus na sangkot sa viral road rage sa España Boulevard sa Maynila.
Inobliga ang mga ito na sumipot at humarap sa LTO NCR-Regional Office sa Agosto 7 ng hapon.
Sa viral video, naging sagabal sa daloy ng trapiko ang ginawang pagharang ng bus sa nakagitgitang mini bus/e-jeepney sa pamamagitan ng pagpasok sa lane ng huli sa nasabing lugar.
Dahil dito, nahaharap ang bus driver sa mga kasong Reckless Driving, Disregarding traffic signs, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.| ulat ni Rey Ferrer