Nakikipag-ugnayan na ang Land Transportation Office (LTO) sa Viber Philippines para maibalik ang access nito sa “AksyOn the Spot hotline ” number.
Ayon kay LTO Chief, Vigor Mendoza II, nawalan ng access ang IT personnel ng ahensya sa AksyOn the Spot hotline 09292920865 matapos itong matambakan ng “inquiries at requests” para sa pag-imprenta ng plastic-printed driver’s license.
Ang hotline number ang ginagamit ng ahensya para mapabilis ang pagproseso ng pag-imprenta ng driver’s license.
Noong Hulyo 18, umabot sa mahigit 9,000 ang bilang ng mga kahilingan at katanungan ang natanggap ng hotline number.
Nauna nang iniutos ni Mendoza ang paggamit ng hotline sa gitna ng mga ulat na mayroon pa ring mga motorista ang hindi pa nakakakuha ng kanilang plastic driver’s license. | ulat ni Rey Ferrer