Ikinalungkot ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin ang delay na mabawi ng Department of Education (DepEd) ang mga naka imbak na unused learning equipment sa warehouses ng Fastpac Logistics.
Ang Fastpac logistics ay kinontrata ng DepEd noong nakaraang administrasyon na mag-distribute ng supplies ngunit hindi na ito itinuloy dahil sa umano’y payment issues sa kagawaran.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa Budget update ng DepEd, kinuwestiyon ng lady solon ang update sa mga hindi pa gamit na learning materials gaya ng computers, textbooks, training materials at iba pa.
Ayon kay Garin, naging mabagal ang pag aksyon ng DepEd na sana ay mapakinabangan na ng mga estuduyante ang mga ito at hindi masayang ang pondong inilaanan ng Kongreso.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang kagawaran na kung bakit ito gumawa ng sistema na kumontrata ng central logistics company noong nakaraang administrasyon, at nang mapatunayan na hindi ito epektibo ay ibabalik sa “bundled” mode kung saan direktang makapag-supply ang supplier sa mga eskwelahan.
Aniya, nakadidismaya na may budget na inilaan ang gobyerno pero bigo ang ahensya na maisakatuparan ito at solusyunan ang problema upang hindi masayang ang pondo. | ulat ni Melany Valdoz Reyes