Maharlika Investment Fund, inaasahang malaki ang maiaambag sa paglikha ng trabaho at poverty reduction sa bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naniniwala si Maharlika Investment Corporation President and CEO Rafael Jose D. Consing Jr. na malaki ang maiaambag ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa paglikha ng trabaho at mabawasan ang kahirapan sa bansa.

Sinabi ni Consing sa Pre-Sona Special, kabilang ito sa pangunahing layunin kaya itinatag ang MIF sa bansa. Ito ay ang pagbabalik ng capital at mapondohan ang socio economic development goals ng Pilipinas.

Patunay aniya ang pag-aaral na isinagawa ng isang pribadong bangko ang Maybank na sa bawat piso na ilalagak na pondo sa MIF ito ay babalik ng 2.10 hanggang 2.5 percent.

Umaasa naman ang MIC Chief, na aaprubahan na ng MIC Board ang risk management framework (I&RM) –bagay na kailangan ng MIC bilang kondisyon sa unang investment na paglalagakan ng MIF.

Sa ilalim ng MIF Law o Republic Act 11954, kailangang mahigpit na sundin ng MIC ang I&RM guidelines bago ito maglagak ng investment.

Inaasahan namang gugulong ang unang investment ng MIF bago matapos ang taon sa iba’t ibang asset at high impact infrastructures para matamo ang sustainable development. | ulat ni Melany Valdoz Reyes