Tinatayang nasa humigit kumulang ₱10-milyong pisong halaga ng mga tanim na marijuana ang winasak ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) at ng Kalinga Provincial Police Office.
Ito’y matapos salakayin at sunugin ng mga awtoridad ang mahigit 5,000 metro kwadradong (5,450 sqms) taniman ng marijuana sa Barangay Ngibat sa bayan ng Tinglayan.
Ayon ay PDEG Director, Police Brig. Gen. Eleazar Matta, nasa mahigit 54,500 piraso ng mga fully grown marijuana ang kanilang nabunot na batay sa pagtaya ay nagkakahalaga ng ₱10.9-million.
Bagaman walang naarestong cultivator, agad na sinunog ang mga naturang tanim na marijuana alinsunod na rin sa itinatakda ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Giit ni Matta, mananatiling nakabantay ang kanilang hanay sa mga lugar na may nakatanim na marijuana upang agad itong wasakin nang hindi na makasira pa sa buhay ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan. | ulat ni Jaymark Dagala