Aabot sa 10,437 na biktima ng pagbaha dulot ng bagyong Carina ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, ito ay sa 345 search and rescue operations na isinagawa ng PNP simula kahapon.
Anim na mga labi naman ang narekober ng Pulisya mula sa landslide at baha.
Ayon kay Fajardo, anim na rehiyon sa bansa ang patuloy na binabantayan ng PNP kabilang ang National Capital Region, Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, at Region 5.
Pero ang sentro aniya ng kanilang search and rescue operations ay ang NCR, Regions 1, 2, 3 at CALABARZON dahil nananatiling manageable ang sitwasyon sa MIMAROPA at Region 5.
Sa huling datos na inilabas ng PNP kahapon, 21 na ang nasawi, 15 ang sugatan, habang 5 naman ang nawawala. | ulat ni Leo Sarne