Iniulat ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na 16,551 dating miyembro at supporter ng New People’s Army (NPA) ang nakinabang sa iba’t ibang benepisyo ng komprehensibong reintegration program ng pamahalaan.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng 6,945 benepisyaryo ng livelihood projects at 9,606 dating rebelde na nakatanggap ng reintegration assistance.
Ayon kay National Security Adviser (NSA) at concurrent NTF-ELCAC co-vice chair Secretary Eduardo Año, ito ay naging posible dahil sa ipinatupad na “whole of nation approach.”
Sinabi ni Año na sa taong ito lang, 864 barangays ang nabiyayaan ng mga proyektong pangkaunlaran sa pamamagitan ng Support to Barangay Development Program (SBDP) para tugunan ang kahirapan na ugat ng insurhensya.
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director and Undersecretary Ernesto Torres Jr., ang SBDP ay “game changer” dahil ito ang nakapigil sa NPA na marekober ang kanilang “mass base.”
Umaasa naman ang NTF-ELCAC na maibabalik sa susunod na taon ang dating ₱10 milyong pisong alokasyon sa mga proyekto sa bawat barangay sa ilalim ng SBDP. | ulat ni Leo Sarne