Inaapura na ng Manila Electric Company (MERALCO) ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga kabahayang naapektuhan ng walang patid na pag-ulang dala ng hanging habagat na pinaigting ng bagyong Carina.
Batay sa pinakahuling datos ng MERALCO, aabot sa 640,000 kabahayan ang nawalan ng kuryente sa kasagsagan ng pagbaha at malakas na pag-ulan na may kasama pang bugso ng hangin sa Metro Manila, Bulacan, at CALABARZON areas.
Kasunod nito, humingi ng pang-unawa si MERALCO Vice President at Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga sa kanilang mga customer na nawalan ng suplay ng kuryente.
Hinimok din ng MERALCO ang mga customer nito na gawin ang ibayong pag-iingat sa paggamit ng kanilang mga electrical device at appliances.
Tiniyak pa ni Zaldarriaga na kanilang ibabalik sa lalong madaling panahon ang suplay ng kuryente sa mga apektadong custumer nito at may sapat silang mga tauhan para tugunan ang problema. | ulat ni Jaymark Dagala