Aabot sa 1,968 pamilya o katumbas ng 7,884 na indibiduwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center sa lungsod ng Pasig.
Ito’y kasunod na rin ng malawakang pagbaha sa Metro Manila bunsod ng pag-ulang dala ng hanging habagat na pinaigting ng nagdaang bagyong Carina.
Ayon sa Pasig LGU, nagmula ang mga apektadong residente ng pagbaha sa walong Barangay sa lungsod na pansamantalang lumikas sa 13 evacuation centers.
Kabilang na rito ang mga Barangay ng Bagong Ilog, Bambang, Dela Paz, Maybunga, Rosario, Santolan, Sta. Lucia, at Sta. Rosa.
Tiniyak naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto na kanilang ipaaabot ang tulong sa mga pansamantalang lumikas at sa katunayan ay personal niyang iniikot ang mga evacuation center sa lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Pasig LGU