Makabagong dialysis machine, pinapasama sa PhilHealth coverage

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naghain ngayon si ACT CIS Party-list Representative Erwin Tulfo at apat pang mambabatas ng isang resolusyon upang himukin ang Philhealth na isama sa kanilang coverage ang pinakamakabagong dialysis machine na automated peritoneal dialysis (APD) upang mas mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease (CKD). 

Salig sa House Resolution 1789 ni Tulfo at mga kasamahang mambabatas na sina ACT-CIS Partylist Representatives Edvic Yap at Jocelyn Tulfo; Benguet Representative Eric Yap at Quezon City 2nd District Representative Ralph Wendel Tulfo, sinabi ng mga mambabatas na mas mapapagaan ang buhay ng mga pasyente kung ang APD ang gagamitin dahil maaari ito gamitin kahit nasa bahay lang.

“Hindi na kailangang mag-absent sa trabaho ang dialysis patient at gumastos ng pamasahe papunta sa ospital o dialysis center para sa kanilang lingguhang dialysis,” ani Tulfo.

Tinukoy din sa resolusyon na kung ikukumpara sa hemodialysis, mas may bentahe ang peritoneal dialysis dahil mas magaan ito at may kalayaan ang pagkilos ng mga pasyente at posible ring mas maging maayos ang kanilang cardiovascular health. 

Makakatulong din ang paggamit sa APD para mabawasan ang malaking bilang ng mga pasyente na pumupunta sa mga ospital at hemodialysis facilities.

Sa kasalukuyan, tanging sakop lang ng PhilHealth ay ang manual PD at hemodialysis at hindi ang APD.

“Expanding PhilHealth coverage for APD would ensure greater access to this lifechanging treatment, promoting equity and reducing the financial burden on patients and their families,” sabi pa sa resolusyon.

Hinkayat din ni Tulfo ang Department of Health (DOH) na bumuo at magpatupad ng isang pambansang programa upang itaguyod ang paggamit ng APD bilang isang opsyon sa paggamot para sa mga pasyenteng may CKD sa Pilipinas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us