Patuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng Malabon local government sa mga residente sa Barangay Hulong Duhat na apektado ng pagbaha dahil sa nasirang navigational gate.
Pinangunahan mismo ni Mayor Jeannie Sandoval ang pagbisita sa higit 500 apektadong residente kung saan nito personal na inalam ang pangangailangan ng mga ito.
Namahagi rin ang alkalde ng family food packs, multivitamins, at iba pang gamot gaya ng doxycycline.
Sa kabuuan, umabot na sa 817 na pamilya o katumbas ng 2,939 indibidwal ang nakatanggap ng ayuda mula sa LGU.
Tiniyak naman ng alkalde na patuloy nang sinisikap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na maiayos sa mas lalong madaling panahon ang nasirang navigational gate.
“Makakaasa po ang bawat Malabueño na ating tututukan ang isyung ito at patuloy na magpapaabot ng tulong sa mga apektadong pamilya. Lagi pong bukas an gating tanggapan para sa lahat ng Malabueñong nangangailangan. Ngayon, ay sisiguruhin natin ang koordinasyon sa mga ahensiya upang hindi na ito mauulit ang insidenteng ito at makaapekto sa ating kapwa residente,” pahayag ni Mayor Jeannie. | ulat ni Merry Ann Bastasa