Welcome para kina Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano at 3rd District Representative Joel Chua ang desisyon ng National Capital Region (NCR) Wage Board na magpatupad ng ₱35 na umento sa sahod sa NCR.
Ayon kay Valeriano bagamat nais niya na mas mataas pa sana sa ₱35 ang umento dahil sa inflation, malaking bagay na rin ang ipatutupad na wage increase lalo at ramdam ng bawat manggagawa sa Metro Manila ang kakapusan dahil sa paghina ng purchasing power ng piso.
Punto naman ni Chua, agad tumalima ang Wage Board sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Labor Day na agad magpulong para aralin ang mga petisyon para sa wage increase.
Sinabi pa niya, ginawa ito ng NCR Wage Board kahit pa wala pang isang taon nang magpatupad ng pagtaas sa minimum wage noong July 16, 2023.
Ipinapakita aniya niyo na batid ng ating Pangulo at ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, na hindi kailangang paghintayin ang mga manggagawa at kanilang pamilya na iniinda ngayon ang mataas na presyo ng bilihin at serbisyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes