Batid ng pamahalaan ang araw-araw na hamong hinaharap ng mga residente ng Samar. Ito ang dahilan ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung bakit isa ang infra development sa mga tinututukan ng administrasyong Marcos upang maisulong ang pag-unlad sa lugar.
Sa distribusyon ng Presidential Assistance sa Calbayog City, sinabi ng pangulo na higit ₱1 bilyon ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagpapanatili ng Maharlika Highway.
Bagay na ikinalugod ng mga residente ng Samar.
Sisimulan ang pagsasaayos sa ilang bahagi ng highway sa Nobyembre na matatapos sa Marso 2025.
Palalawakin pa aniya ang ilang kalsada sa Samar para sa pagpapadali ng transportasyon sa lugar.
“Ang Basey-Marabut-Pinamitinan Road at Wright-Taft Borongan Road ay kasalukuyan nang ginagawa. Umaasa ako na tututukan ito ng DPWH upang masiguro na matapos ito sa lalong madaling panahon.” — Pangulong Marcos.
Bukod dito, ang Calbayog Drainage System, pinaglaanan rin ng ₱100 milyon at gumugulong na upang maiwasan ang mga pagbaha.
Sabi ng Pangulo, ang administrasyon ay namumuhunan sa makabagong imprastruktura.
“Mga mahal kong kababayan, ang inyong pamahalaan ay namumuhunan sa makabagong imprastruktura, gumagawa ng mga pagkakataon [na] pangkabuhayan, at nagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa inyong lugar. Ang lahat ng ito ay naglalayong lumikha ng mas maunlad na hinaharap para sa probinsya ng Samar, sa rehiyon ng Eastern Visayas, at sa mga mamamayan na nakatira dito.” — Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, humiling ang Pangulo ng buong suporta sa mga residente ng Samar para sa pagsasakatuparan pa ng mas maraming proyekto sa lugar. | ulat ni Racquel Bayan
📷: PCO