Nakatakdang simulan na ng Department of Agriculture ang mass trial para sa bakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Ito kasunod ng anunsyo ni Agri Sec. Francisco Tiu-Laurel na malapit nang maging available ang bakuna kontra ASF sa bansa.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, popondohan ng kagawaran ang gagawing malakihan nang trial para sa ASF vaccine matapos ang serye ng clinical trials kung saan napatunayang epektibo ang bakuna para maprotektahan ang mga baboy laban sa sakit.
Ang mga bakunang isasalang sa mass trial ay mula sa Vietnam.
Oras namang magtagumpay ito ay saka umano sisimulan na rin ang commercialization ng bakuna sa Pilipinas na tinatarget ngayong taon.
Punto ni Asec. De Mesa, mahalaga ang nationwide immunization drive laban sa African Swine Fever (ASF) para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa baboy at mapatatag muli ang hog industry ng bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa