May pagkakataon nang makinabang sa insurance benefit ng Social Security System ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.
Kasunod ito ng paglagda sa isang memorandum of agreement sa pagitan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at SSS President at CEO Rolando Ledesma Macasaet para sa pagpasok sa boluntaryong kontribusyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.
Layon nang nasabing kasunduan na mabigyan ng low-cost social insurance ang nasa 4.4 milyomg beneficiaries ng 4Ps.
Ayon kay DSWD Sec. Gatchalian, isa ito sa mga hakbang para matulungan ang mga benepisyaryo na maging self-reliant at matiyak na mayroon silang aasahang sss coverage kahit naka-graduate na sa 4Ps.
Sa ilalim nito, maglalatag ng contribution subsidy table ang SSS na angkop para sa kapasidad na magbayad boluntaryo ng 4Ps beneficiaries.
Aasistehan naman ng SSS ang ahensya sa registration at pagproseso ng aplikasyon ng mga myembro.
Magkatuwang din ang SSS at DSWD sa pagbibigay ng seminar at orientation activities para sa 4Ps organized groups.
Sinabi naman ni SSS Pres. Macasaet na pinag-aaralan na nila ngayon ang posibilidad na maibaba pa ang kontribusyon para sa 4Ps beneficiaries. | ulat ni Merry Ann Bastasa