Nakatakdang magpatawag ng pulong-balitaan ngayong araw si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. at Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil ngayong araw.
Ito’y upang ilahad ang mga mahahalagang detalye hinggil sa pagkawala at pagkakapatay sa Pinay beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at fiancé nitong Israeli national na si Yitshak Coher.
Magugunitang nitong weekend, malungkot na ibinalita nila Abalos at Marbil ang kalunos-lunos na sinapit ng dalawa matapos matagpuan ang mga labi nito sa isang bakanteng quarry sa Brgy. Sta. Lucia sa bayan ng Capas, lalawigan ng Tarlac.
Kaugnay nito, iniulat ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Police Maj. Gen. Leo Francisco ang pagsisiwalat ni alyas Jess na isa sa pitong Persons of Interest (POI) sa kaso.
Si alyas Jess ang driver ng SUV kung saan isinakay ang bangkay nila Lopez at Coher na nirentahan ng umano’y dalawang principal suspek na kapwa AWOL na pulis.
Batay sa isinagawang extrajudicial confession ni alyas Jess, laking gulat na lamang niya nang isakay sa minamaneho niyang SUV ang dalawang bangkay sa likod ng sasakyan.
Dahil sa takot na madamay ay sinunod niya ang lahat ng ipinag-uutos sa kaniya ng dalawang dating pulis kung saan, siya ang nagsilbing gabay para mailibing ang mga bangkay sa naturang quarry site.
Bagaman sinabi ni Police Maj. Gen. Francisco na tatayong state witness sa kaso si alyas Jess, hindi pa rin ito absuwelto sa pananagutan dahil titingnan kung gaano kalaki ang partisipasyon nito sa krimen. | ulat ni Jaymark Dagala