Inihayag ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III na wala nang babayaran ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa mga ipinamahaging lupa mula sa pamahalaan.
Ito ang kaniyang naging pahayag sa isang panayam nitong Biyernes, Hulyo 1, sa Mindanao Civic Center (MCC) Gymnasium, Tubod, Lanao del Norte, kasabay sa pamamahagi ng certificates of land ownership awards (CLOAs), at farm machineries and equipments (FMEs) sa mga ARBs sa lalawigan na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Wala na aniya silang utang na babayaran mula sa Landbank of the Philippines (LBP) kaya’t mapapagaan na ang kanilang pamumuhay.
Dagdag pa ng kalihim, magbibigay ang kanilang tanggapan ng certificates of condonation at release of mortgage sa mga ARBs ngayong Hulyo 19, bilang patunay na walang babayaran ang kanilang mga natanggap na lupa.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 11953 o ang Agrarian Emancipation Act na naglalayong maibsan ang mga utang at interes na napala ng mga ARBs sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).| ulat ni Sharif Timhar| RP1 Iligan