Aminado ang mga jeepney driver sa Marikina City na malaking dagok na naman sa kanila ang panibagong umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaya naman, kaniya-kaniya sila ng diskarte para kumita at may maiuwi sa kahit paano sa kanilang pamilya.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa may bahagi ng Marcos Highway, sinabi ng ilang jeepney driver na hinahabaan na lang nila ang oras ng kanilang biyahe.
Mula sa dating walong oras ay ginagawa na nila itong 10 habang ang iba ay umaabot pa ng hanggang 12 oras na pamamamasada sa mga ordinaryong araw.
Pero gaya ngayon na bumuhos ang ulan sa nakalipas na magdamag at nakararanas pa ng manaka-nakang ambon sa kasalukuyan, tiyak na lalakas ang kanilang kita.
Kahapon, nagpatupad ng ₱1.60 umento sa kada litro ng gasolina ang mga kumpaniya ng langis; ₱0.45 naman sa kada litro ng diesel habang ₱0.60 naman sa kada litro ng kerosene.
Ito na ang ika-4 na sunod na linggong nagpatupad ng oil price hike ang mga kumpaniya ng langis. | ulat ni Jaymark Dagala