Pinayuhan ng toxic watchdog group na EcoWaste Coalition ang mga magulang at mag-aaral na mag-ingat sa pagbili ng reusable stainless steel water bottles at tumblers.
Sa isinagawang test buys bago ang school year 2024-2025, natuklasan ng EcoWaste Coalition ang mataas na lead content sa exterior coatings sa ilang stainless steel water bottles at tumblers.
Binebenta ito sa halagang ₱100 hanggang ₱250 sa retail stores sa Caloocan, Manila at Quezon Cities gayundin sa online sellers.
Anila, ang presensya ng lead sa surface coatings ay lubhang nakakabahala para sa kalusugan ng mga bata.
Ang leaded paint ay nasisira din sa katagalang paggamit at posibleng malunok ng mga gumagamit lalo na ng mga bata.
Para sa proteksyon ng consumers, nanawagan ang EcoWaste Coalition sa mga kinauukulan na tanggalin ang non-compliant products sa pamilihan upang mailigtas sa lead poisoning ang mga kabataan. | ulat ni Rey Ferrer