Ikinatuwa ni Deputy Speaker David Suarez ang $500 million na halaga ng military aid na ipagkakaloob ng Estados Unidos sa Pilipinas para mapalakas ang ating militar at Philippine Coast Guard.
Kasunod na rin ito ng pagbisita nina US Secretary of State Antony Blinken at US Department of Defense Sec. Lloyd Austin dito sa bansa.
Ayon kay Suarez malaking bagay na nangako mismo ang mga top officials ng Estados Unidos na ano man ang mangyari sa magiging eleksyon nila sa Nobyembre at ipapatupad ang naturang tulong para sa Pilipinas.
Patotoo kasi aniya ito sa ‘iron-clad’ na relasyon ng Pilipinas US.
Welcome din kay Suarez ang higit limang daang milyong dolyar na tulong para mapalakas ang kapabilidad ng PCG at AFP sa pagbabantay sa ating teritoryo.
Ipinapakita rin aniya nito na maging ang ibang bansa ay kinikilala at nakikiisa sa posisyon ng ating Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. pagdating sa paggiit at pagprotekta sa ating soberanya.
Sabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers hindi lang mapapalakas ang pagbabantay sa West Philippine Sea sa tulong na ito ng Estados Unidos ngunit mapapalawak din ang pagbabantay pati sa eastern seaboard ng bansa.| ulat ni Kathleen Forbes